Lason ang Pag-ibig sa Babaeng may Pangarap
May babae—mata’y laging sa tuktok nakatitig,
sa palad ay mga plano, sa dibdib ay paninindig;
hindi siya nilikhang sa mundo’y magkubli,
kundi magtagumpay, umangat, at sarili’y mapanagutan lagi.
Pangarap niya’y hindi lamang bulong sa hangin,
kundi apoy na sa gabi’y patuloy na nagniningning;
tagumpay ang kaniyang dasal sa bawat pagod at puyat,
kinabukasa’y hinahabi sa pawis at sa sikap.
Ngunit dumating ang pag-ibig—tila alak na matamis,
sa unang tikim ay ligaya, sa huli’y may pait na tiis;
hinaplos ang kaniyang ambisyon ng mga salitang marikit,
hanggang ang matatag na loob ay unti-unting nayanig.
“Magpahinga ka muna,” wika mong may lambing,
“Hindi mo kailangang laging sa taas tumingin.”
Hanggang ang dating walang takot na hakbang,
natutong bumagal, natutong magkulang.
Lason ang pag-ibig kapag ito’y humihiling
na isantabi ang bituin para sa yakap na salat sa ningning;
kapag ang babae’y kailangang pumili
sa pagitan ng pangarap at pag-ibig na sarili’y winawagi.
Sapagkat ang babaeng nais maging matagumpay,
ay hindi takot mag-isa sa laban ng buhay;
pipiliin niyang tuparin ang sariling adhika,
kahit walang kamay na sa kanya’y kumakandili’t umaakay pa.
Dahil ang pag-ibig na tunay ay hindi tanikala,
hindi nito binabawasan ang kanyang halaga;
ang pag-ibig na wagas ay kakampi sa pangarap—
hindi lason, kundi lakas sa bawat pagharap.
At kung ang pag-ibig ay hadlang sa kanyang paglipad,
iiwan niya itong parang gabing kupas;
sapagkat ang babaeng may pangarap na maging matagumpay
ay hindi isinilang upang lumiit—
kundi upang sa sariling pangalan ay magtagumpay.
-- gunitalingaw 2024
Comments
Post a Comment